Malaki ang posibilidad na manatili sa P7.50 ang minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Land Tansportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez kasunod na rin ng walong linggong sunud-sunod na rollback sa presyo ng oil products.
Ayon pa kay Ginez, provisional lamang naman ang ngayo’y minimum na pasahe sa jeep.
“So bumabalik na po siya sa dating mga presyo nung halos patapos na ang 2014, kaya ang sagot nga po namin diyan ay, kung ito lamang ang pagbabasehan natin ay mukhang malabo ang kanilang petisyon na i-lift na ‘yung rollback, kung ang posibilidad na mananatili ba sa P7.50 at yung P10 rollback, mas malamang na mananatili kaysa pagbibigyan naming itaas na muli ang mga pamasahe po natin.” Paliwanag ni Ginez.
Sinabi din ni Ginez na sa susunod na linggo ay pagpupulungan nila kung dapat ibalik sa dati ang pasahe o babaan pa ito ng hanggang P7.50 bagamat kinukunsidera nila ang pagtaya ng Department of Energy (DOE) sa magiging galaw ng presyuhan ng petrolyo.
Sapat Na
Samantala, sapat na ang P7.50 na minimum na pamasahe sa mga pampasaherong jeep.
Binigyang diin ito sa DWIZ ni FEJODAP President Zenaida Maranan matapos ipahiwatig ni Land Tansportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez ang posibleng tapyas pasahe.
Sinabi ni Maranan na ngayon pa lamang nakakabawi ang mga tsuper at inaasahan na naman ang pag-akyat ng presyo ng krudo sa susunod na buwan.
“Sa isang buwan ay makikita natin na magsisimula na namang tumaas ng tuluy-tuloy ang presyo ng krudo na ‘yan kasi sa aming pag-aaral ay pagdating ng kalagitnaan ng Setyembre, mararamdaman mo ‘yan magsisimula nang tumaas ang presyo ng ating krudo.” Giit ni Maranan.
By Judith Larino | Ratsada Balita | Balitang Todong Lakas