Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na hindi tataas ang pamasahe sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3.
Ito ay kasabay ng mga lumulutang na usapin ukol sa taas – pasahe sa mga pampublikong sasakyan dahil sa bagong tax reform package at excise tax.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Rails TJ Batan, pangunahing prayoridad nila sa ngayon na ayusin at pagandahin muna ang serbisyo at pasilidad ng MRT.
Dagdag pa ni Batan, wala ding magiging paggalaw sa singil sa pasahe sa ibang rail system sa bansa, kabilang na ang Light Rail Transit (LRT) at Philippine National Railways (PNR).
Una nang iginiit ng Department of Finance o DOF na wala pang pangangailangan para humirit ang mga transport group ng taas pasahe.
Ayon kay Finance Secretary Sonny Dominguez, hindi pa apektado at wala pang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo na bunsod ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN sa ngayon.