Nanganganib ding tumaas ang pasahe ng Philippine Airlines sa oras na pagbigyan ang kanilang hirit na mas mataas na fuel surcharge bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay PAL President Jaime Bautista, noon pang Disyembre nila inihain ang orihinal na petisyon na humihiling na itaas sa 51 hanggang 207 pesos ang fuel surcharge.
Ipinunto ni Bautista na ang 13 dollar per barrel increase sa presyo ng krudo sa world market noong enero hanggang abril ay katumbas ng 143 million dollars na dagdag gastos sa pal kung kokonsumo sila ng 11 million barrels per year.
Dagdag pasanin din anya sa kumpanya ang patuloy na paghina ng halaga ng piso laban sa US dollar bukod pa sa pagpapahinto ng kanilang flights sa Kuwait dulot ng OFW deployment ban.
Magugunitang naghain din ng petisyon para sa dagdag fuel surcharge ang karibal ng PAL na Cebu Pacific Airlines sa Civil Aeronautics Board.