Patay ang isang hindi pa nakikilalang pasahero habang sugatan ang 11 iba pa sa pagsabog ng Improvised Explosive Device (IED) sa loob ng bus sa Tacurong City, Sultan Kudarat.
Dakong alas 11:30 kahapon ng umaga nang maganap ang pagsabog sa yellow bus line sa Purok Yellow Bell, Barangay New Isabela.
Ayon kay 6th Infantry Division Spokesman, Lt. Col. Dennis Almorato, nagmula ang bus sa Kidapawan City, North Cotabato nang sumabog ang IED malapit sa St. Louis Hospital.
Wala pang indibidwal o grupong umaako sa pambobomba pero ang mga ganitong insidente ay maka-ilang beses nang isinisi sa mga terorista na may kaugnayan sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Inaalam na anya kung paano naipuslit ng bomber sa bus ang IED na idinetonate sa pamamagitan ng cellphone.
Kilala rin ang yellow bus line sa madalas puntiryahin ng mga pambobomba na kagagawan umano ng mga extortionist.