Pumalo sa mahigit 58,000 mga pasahero naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) sa iba’t ibang mga pantalan sa buong bansa, bisperas ng bagong taon.
Batay sa tala ng PCG nasa kabuuang 58,142 mga papaalis na pasahero ang kanilang na-monitor mula 12:00 ng tanghali hanggang 6:00 ng gabi, kahapon, Disyembre 31.
Pinakamarami dito ay sa Central Visayas o mga pantalan sa Cebu, Eastern Bohol, Western Bohol, Southern Cebu at Camotes Island na umabot sa mahigit 15,000.
Sinundan ito ng Western Visayas o mga pantalan sa Antique, Aklan, Iloilo at Guimaras na nakapagtala naman ng mahigit 14,000 mga pasahero.
Pumangatlo naman ang maga pantalan sa Northern Mindanao na may 6,800 mga pasahero.
Kasabay nito, patuloy na pinapaalalahanan ng PCG ang mga pasahero na manatiling nakaalerto, sumunod sa inilatag na security at safety measure ng mga kinauukulan at agad i-ulat ang anumang mga kahina-hinalang tao o pangyayari para sa kaligtasan ng lahat.