Isa na namang kaso ng animal cruelty ang naitala at isa na namang hayop ang nawalan ng buhay. Ang masaklap pa rito, ang amo mismo ang dahilan ng pagkamatay ito.
Ang buong kwento, eto.
Paalis sana ng Florida ang 57-anyos na si Alison Lawrence patungo sa colombia kasama ang 9-anyos niyang alagang aso na si Twyinn.
Pero pagdating sa Orlando International Airport, nagkaroon ng aberya at hindi pinayagan si Alison na sumakay ng eroplano kasama ang kaniyang aso dahil wala itong health certificate at rabies vaccination.
Matapos makipag-usap sa isang airline agent, nagtungo si Alison sa isang banyo kasama ang kaniyang aso.
Pero nahulicam sa CCTV na nang lumabas ito pagkalipas ng 20 minuto, hindi na kasama ni Alison ang aso.
Dahil wala na ang aso, matagumpay nang nakasakay ng eroplano si Alison.
Pero ang ginawa niyang krimen, hindi niya natakasan dahil mayroong janitor na nakakita sa wala ng buhay na katawan ng aso sa basurahan.
Kasama ring natagpuan ang companion vest nito, collar, rabies tag, travel band, at dog tag na mayroong pangalan at contacts ni alison.
Base naman sa imbestigasyon, lumalabas na pagkalunod ang ikinamatay ng kawawang aso.
Samantala, pagkauwi ni Alison sa Florida matapos bumyahe sa Bogota, Colombia at Ecuador, naaresto ito dahil sa aggravated animal abuse ngunit nakapagpyansa ito sa halagang 5,000 U.S. dollars o 286,657 pesos.
Sa mga pet lovers diyan, ano ang masasabi niyo sa kwento na ito at sa sunud-sunod na naitalang mga kaso ng animal cruelty?