Isang taxi driver ang inireklamo makaraang pababain nito ang kanyang pasaherong lola at anak nitong may kapansanan sa Cebu City sa gitna ng malakas na ulan.
Sa video na nag-viral sa social media site na Facebook, kinilala ang tsuper na si Norman Inojado at ang pasaherong si Geralda Altamosa, 88-anyos na may anak na babaeng “disabled.”
Ayon ka Lola Geralda, sa Barangay Basak ang kanilang destinasyon at magdaragdag sana ng pasahe subalit tumanggi si Inojado.
Matapos ang insidente at maulanan ang mag-ina, nilagnat ang senior citizen na pasahero.
Pinagpapaliwanag naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB-Region 7 ang tsuper at operator ng Dr. J Taxi.
Samantala, aminado si Inojado na mali ang kanyang ginawa dahil natakot lamang siya na malubog sa baha ang bagong taxi unit habang humingi na rin ng paumanhin ang operator nito kay Lola Geralda.
By Drew Nacino
SMW: RPE