Ibinunyag ni Senator Panfilo Lacson na mismong ang bagong Customs Commissioner Isidro Lapeña ang nagkumpirma na totoo ang ‘pasalubong money’ sa mga mauupong hepe ng Bureau of Customs o BOC.
Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na lumapit sa kanya si Lapeña bago ang Senate hearing at kinumpirma na nakatanggap ng 107 million pesos na pasalubong money si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon nang maupo ito sa BOC.
Ayon kay Lacson, napag-alaman pa niya kay Lapeña na ang pinagkukunan ng pasalubong money ay mula sa bilyong pisong TCC o tax credit certificates na ibinibigay sa malalaking kumpanya.
Ang TCC ay para rin aniyang cash na nagagamit ng mga malalaking kumpanya para maka-discount sa buwis.
Matatandaan na sa kanyang privilege speech, isa si Faeldon sa mga pinangalangan ni Lacson na tumanggap ng regalong pera nang maupo bilang hepe ng BOC.
—-