Pinakakasuhan ng Pasay City Prosecutors Office ang ilang opisyal ng NCMF o National Commission on Muslim Filipinos at 1 dating empleyado ng Department of Foreign Affairs dahil sa Hajj Passport Scam.
Kabilang sa mga inirekomendang kasuhan ng paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940, Philippine Passport Act, Trafficking in Persons at Estafa sina NCMF Secretary Yasmin Lao; NCMF Commissioner Salem Demuna, NCMF Chief Pilgrimage Operations Zainoden Usudan, at iba pang mga opisyal sa NCMF na sina Mamintal Cali, Gamal Hallong, Narodin Lamondot, Abang Marohomsalic, Udro Bantuas Sania Mangandog, Lawrence Dilangalen at dating empleyado sa DFA Passport Division na si Khalid Ali Mapandi.
Inabswelto naman ng piskalya ang reklamo laban sa 48 iba pang opisyal ng NCMF at DFA sa pangunguna nina Sawia Punut, Potre Alonto, Harimah Maruhon Viola Sarip, Sitti Divina Roxas at 43 na iba pang respondent dahil sa kawalan ng probable cause.
Nag-ugat ang reklamo sa nabuking umanong modus operandi sa pag-iisyu ng Hajj Passport matapos madakip sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA ang 177 Indonesian na patungo sana ng Medina, Saudi Arabia dahil sa peke umanong travel document noong Agosto ng nakaraang taon.
By: Meann Tanbio