Natuklasan na isang Universal Serial Bus (USB) ang nagbisto na hinahinalang may kaugnayan sa umano’y troll campaign operations na inilunsad ng grupo ng mga batang technology savvy laban sa natalong pulitiko ng lungsod ng Pasig noong 2019 polls.
Ang 29-anyos na lider ng “technophiles”ay sinasabing isa na ngayong political affairs officer ng Pasig City government at pinangangambahan na patuloy pa rin sa trabaho nito bilang administrator ng ‘troll page’ para sa kanilang amo.
Sinabi ni Nep Castillo, reporter ng Pasig-based news website na BRABO NEWS na natanggap niya noong October 30, 2024 ang isang parcel na naglalaman ng USB kung saan nakadetalye umano ang troll campaign operations laban sa pamilya Eusebio na nakalaban ni Mayor Vico Sotto noong 2019 local elections.
Nakapaloob sa USB ang binuo na sanga-sangang kaugnayan ng sinasabing political affairs officer sa troll campaign gamit ang social media.
Ang umano’y operasyon ay nagsimula pa noong 2019 nang unang tumakbo sa pagka-alkalde ng Pasig si Sotto kung saan pinuntirya umano nito ang dating administrasyon ni dating Mayor Bobby Eusebio.
Nakalagay pa sa portable document format (PDF) file sa USB ang mga pinaniniwalaang ginamit na iba’t ibang social media pages, at kapag may violations umano ay dinedeklara ito ng ‘page restrictions’ ng social media company at kaagad na magpapalit ng panibagong page.
Makikita rin dokumento na gumamit umano ng dummy accounts ang tinukoy na political affairs officer ng city government, ngunit obyus naman na lumitaw ang email address ng empleyado para sa payment option nito.
Lumalabas na ang email address ay lehitimong pagmamay-ari ng nasabing political affairs officer dahil ito rin ang ginamit nito sa isang LinkedIn public account.
Kalakip rin sa umano’y dokumento ang mga “resibo” na sa katunayan ay siya umano ang nagbabayad ng mga troll operations sa loob ng tatlong taon, muli—gamit ang dummy accounts ngunit lehitimong email address.
Dagdag pa sa dokumento, gumamit din ng dummy social media account ang nasabing city hall officer na kung saan nai-tagged ito sa isang post ng isang city councilor kasama ang alkalde at isa pang post ng city administrator kung saan siya nagtatrabaho.
Lumilitaw din na sa kabuuan, isiniwalat ng nasabing nagpadala ng dokumento na sa kabila umano ng mga akusasyon ni Mayor Sotto na gumagamit ng trolls ang kalaban niya sa pulitika ay malamang na siya mismo — sa pamamagitan ng nasabing political affairs officer — ang gumagamit ng trolls para siraan ang mga kalaban.
Bukas naman ang DWIZ o ang website na ito para sa panig ni Mayor Sotto.