Inihayag ni Manila Mayor Honey Lacuna ang kanyang buong suporta sa inilunsad na (PBBM) project ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Mayor Lacuna, naniniwala siya kay Pangulong Marcos at kumbinsido itong napapanahon nang ituloy ang rehabilitasyon ng Ilog Pasig.
Master plan ng Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development (IAC-PRUD) ang PBBM project.
Sakop ng rehabilitation at development project na ito ang 25-kilometer na kahabaan ng ilog mula Manila Bay hanggang Laguna de Bay. Upang lubusin ang economic potential ng Ilog Pasig, plano itong gawing commercial area at tayuan ng public parks. Popondohan ang naturang proyekto ng pribadong sektor.
Nang sinabihan si Mayor Lacuna ni Pangulong Marcos na makipagtulungan sa proyektong ito, pumayag ang alkalde. Aniya, makatutulong ang development na ito sa tourism ng lungsod at makapagbibigay ng dagdag na kita.
Ayon sa alkalde, maging si First Lady Liza Araneta-Marcos na lead proponent ng Pasig rehabilitation project, ay natutuwa sa inisyatibang ito. Pagtitiyak ni Pangulong Marcos, hindi lang sa simula gagawin ang rehabilitasyon sa Ilog Pasig dahil maigi nilang tututukan ito ng first lady.
Samantala, hindi dapat mag-alala ang informal settlers na maaapektuhan ng pag-aayos sa Ilog Pasig. Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar, higit sa 10,000 na pamilya ang ililipat sa maayos na tirahan sa pamamagitan ng housing program ng pamahalaan.
Alam ni Pangulong Marcos na mahaba-habang panahon ang kinakailangan upang tuluyang maayos ang Ilog Pasig na ilang dekadang napabayaan; ngunit mas mapabibilis ang rehabilitasyon nito kung pagtutulungan at pagsisikapan ito ng lahat. Sabi nga ni Pangulong Marcos, para ito sa susunod na henerasyon.