Kung mayroon mang isa sa mga kapana-panabik na pagdiriwang o ‘season’ sa isang taon, ito na marahil ang Pasko.
Pagsapit pa nga lang ng ‘ber’ months o simula sa buwan ng Setyembre ay samu’t sari na ang mga kumukutikutitap na palamuti sa kalye at mga kulay berde at pulang mga kasuotan ng mga kabataan ang namumutangi. Naging tradisyon na nga ng mga Pinoy ang iba’t ibang gawain tuwing sasapit ang Pasko.
Ngunit paano nga ba nagsimula ang pagdiriwang ng Araw ng Pasko?
Ayon kay Fr. Aris Sison, Kura Paroko ng Cathedral of Immaculate Concepcion sa Cubao, Quezon City, wala talagang nakakaalam kung ano ang eksaktong petsa kung kailan ipinanganak si Hesukristo.
“Walang nakakaalam ng eksaktong araw kung kailan naipanganak si Hesukristo. Noong mga panahong iyon, wala pa tayong mga reporter noon na magdo-document ng mga ganung bagay. Hindi naman December 25 mismo ang kapanganakan ni Hesukristo, pero may mga indications sa banal na kasulatan na around this time ito naganap.”
Dagdag pa ni Fr. Sison, ang Pasko ay isang orihinal na paganong selebrasyon na noong kinalauna’y, naging isang Kristiyanong pagdiriwang.
“Mayroon isang bagay sa kasaysayan na ‘yung Dec. 25 ay kapistahan ng isang ‘god’. It was a pagan feast na naging Christian feast. Dati Kapistahan ‘yan ng pagan god of the sun, at doon na nag-develop na naging tradisyonal, doon ipinagdiriwang ang Araw ng Pasko. Sa ating Christian tradition, ‘yung May 1 nauna talagang Labor Day. Sa simbahan, naging feast siya ni St. Joseph the Worker. Na-Christianize ang kapistahan na ito at naging Christian feast.”
Tuwing sasapit din ang Pasko, isa ring tanyag na ‘icon’ o ‘figure’ ay si Santa Claus. Sikat na sikat si Santa Claus, lalo na sa mga kabataan, bilang isang persona na nakadamit ng kulay pula, may mahabang puting bigote at may dala-dalang regalo sakay ng isang sled na tinutulak ng mga reindeers. Bukod sa simbolo ng Pasko, ayon kay Fr. Sison, hindi din dapat kalimutan ng Pilipino na si Hesukristo ay isa ring simbolo ng mga ginawa ni Hesukristo.
“Ang origin ng Santa Claus ay si St. Nicolas. Si St. Nicholas ay isang bishop na kilalang kilala dahil sa pagbibigay niya ng tulong sa mga mahihirap. Ito ang dahilan kung bakit siya naging favorite image kapag Pasko. Parang ang nangyayari ngayon sa atin sa secular world, parang nahiwalay si Santa Claus sa religious symbolism. Si Santa Claus ay isang simbolo ng mga ginawa ni Hesus, pag-aalay ng buhay, pagbibigay buhay para sa ating mga kapwa na isa sa mahalagang bagay na gugunitain natin tuwing araw ng Pasko.”
Tradisyonal na rin sa mga Katolikong Pilipino ang pagdalo sa siyam na araw na misa na kadalasan ay isinasagawa bago magbukang liwayway o mas kilala bilang Simbang Gabi. Ang tradisyong ito ay dinala ng mga Espanyol. Nag-umpisa sa Pilipinas ang tradisyon ng “Misa de Gallo” taong 1669 nang magsagawa ang mga pari ng misa para sa magsasakang gustong dumalo ng misa pero hindi maiwan ang sakahan. Ito rin ay idinaraos sa paghahanda ng araw ng pagkakasilang ni Hesus na tinatawag ring “Advent”. Ayon sa karamihan, kapag nakumpleto nila ang siyam na araw na misa ay magkakatotoo ang mga hiling nila. Ngunit bakit nga ba ito ay idinadaos sa loob ng siyam na araw?
Paliwanag ni Fr. Sison, ang Simbang Gabi ay ang panahon ng pagno-novena, novena na ang ibig sabihin ay siyam, siyam na araw na pagdarasal at pagsasakripisyo sa nalalapit na rin na pagdating ni Hesus.
“Kasi novena, nove, nuwebe means nine. Walang novena na walo. Ang Simbang Gabi ay pag-nonovena. 9 na raw na paggising ng maaga upang mag-alay ng misa bilang pagahahanda natin sa pagdiriwang ng Pasko. Kaya naging madaling araw kasi ‘yung mga ninuno natin, mga nasa bukid. Maagang gumigising kaya naging madaling araw. Nandito ‘yung element ng sacrifice.”
Ayon naman sa isang Theology expert na si Dr. Adonis Gorospe, pinuno ng Theology Department ng Asian Theological Seminary, karamihan sa mga nakagawian ng mga Pilipino tuwing sasapit ang Pasko ay nagsimula sa Europa, partikular sa Espanya.
“Ang Kristiyanismo ay kumalat sa buong Europa, tapos pumunta na ng Africa, hindi lang ito nag-stay sa Middle East. Kaya noong pinag-isa na ang gobyerno at simbahan noong 4th century, malayo na ang naabot ng Kristiyanismo. ‘Yung parol, unique sa atin ‘yan pero may pinanggalingan sa Mexico ‘yung Piñata na tinatawag. Na-Filipinize na. ‘Yung Noche Buena, galing ‘yan sa Espanya. Dinala sa atin thru sa pananampalataya ng Catholicism. Karamihan ng tradisyon natin sa Pasko, nanggaling sa mga Kastila katulad ng ninong, ninang na kadalasan ay hinihingan natin ng Aguinaldo.
Dagdag pa ni Gorospe, ang German theologian at religious reformer na si Martin Luther ang maaaring nagpasimula ng Christmas tree, ngunit ito ay hindi direktang may kaugnayan kay Kristo.
‘Yung Christmas tree, noong nagbabasa ako, nagre-research ako, nanggaling ‘yan kay Martin Luther. Noong pauwi daw siya nakita niya ‘yung mga bituin na sumisilip sa mga sanga ng puno. Sabi niya ang ganda nito, inuwi niya ‘yung puno at nilagyan ng mga kandila at doon nagsimula ang Christmas tree. Pero hindi ito directly related kay Kristo.”
Sa paglipas panahon, napatunayan na may mga naging pagbabago sa kung paano ang nagiging paghahanda ng mga Pilipino sa tuwing sasapit ang Pasko, ngunit napatunayan din na ang katangi-tangi at pinakamahalagang mensahe ng Kapaskuhan ay ang siyang pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesukristo na nagligtas sa sanlibutan.