Suspendido na ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno gayundin ang klase sa mga pampublikong paaralan sa lahat ng antas sa Metro Manila epektibo ngayong ala-1:00 ng hapon.
Ayon sa Malacañang, ito ay batay sa rekomendasyong ibinigay ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa malalakas na pag-ulang nararanasan at masamang panahong dulot ng bagyong Henry.
Hindi naman kasama ang mga ahensya na nangangasiwa sa pagbibigay serbisyo partikular sa health, disaster preparedness at response teams.
Ipinapaubaya naman sa diskresyon ng mga namumuno sa mga pribadong kumpanya at eskuwelahan kung kakanselahin nila ang kanilang pasok. —AR
—-