Suspendido ang pasok sa tanggapan ng Korte Suprema mula Hulyo 20 hanggang Hulyo 22 ng taong kasalukuyan.
Sa isang memorandum, ipinaliwanag ni Chief Justice Diosdado Peralta na ito’y upang bigyang daan ang disinfection, paglilinis at sanitation sa mga gusali nito bilang pag-iingat laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Magsisimula naman ang disinfection sa mga opisina at gusali ng kataas-taasang hukuman ngayong araw, Hulyo 18 hanggang Hulyo 22.
Ayon kay Peralta, magpapatuloy ang gagawing rapid anti-body testing sa lahat ng mga mahistrado, opisyal at empleyado ng Korte Suprema sa Hulyo 23 habang matutuloy din ang itinakdang ‘signing’ ng Roll of Attorneys ng mga nakapasa sa 2019 bar exams.
Samantala, papayagan namang pumasok mula Hulyo 20 hanggang Hulyo 22 ang mga on-duty personnel ng Office of the Bar Confidant; Cash Collection and Disbursement Division; Medical Services; at Security and Maintenance Divisions.