Binawi ng Malacañang ang nauna nitong pahayag hinggil sa kanselasyon ng pasok sa lahat ng antas sa pampubliko o pribadong mga paaralan ngayong araw.
Ito’y kasunod ng ikalawang araw ng nationwide transport strike ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o PISTON.
Batay sa Memorandum Circular No. 29 na pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea, minabuti nilang muling suspendehin ang pasok upang protektahan ang kaligtasan at kapakanan ng publiko lalo na ang mga kabataang mai-istranded sa mga lansangan.
Gayunman, bagama’t kanselado na ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno, ipinauubaya na ng Palasyo sa mga pribadong kumpanya kung susunod pa rin sa nasabing hakbang.
Magugunitang inanunsyo kahapon ni Communications Secretary Martin Andanar na may pasok na ngayong araw batay na rin sa rekomendasyon ng iba’t ibang concerned agencies.
Nauna rito, maliit lamang ang naging epekto ng nasabing kilos protesta sa iba’t ibang panig ng bansa batay na rin sa monitoring ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
—-