Suspendido na ang pasok sa lahat ng korte sa National Capital Region (NCR) bukas, Biyernes, ika-13 ng Nobyembre, 2020.
Ito ay makaraang ipag-utos na ni Chief Justice Disdado Peralta ang naturang suspensyon dahil pa rin sa epekto ng pananalasa ng Typhoon Ulysses.
Kanselado na rin, ayon sa Supreme Court Public Information Office (SC PIO), ang pasok sa trabaho sa Judicial and Bar Council, Philippine Judicial Academy, at Presidential Electoral Tribunal.
Ipinauubaya naman sa mga executive judges sa mga apektadong lugar sa labas ng Metro Manila ang desisyon kung magkakansela rin sila ng kani-kanilang mga pasok sa trabaho.
Samantala, ipinag-utos na rin ni Peralta na tukuyin na at gumawa ng ulat kaugnay sa kung gaano kalawak ang pinsala na idinulot ng pananalasa ng bagyo sa kanilang mga tanggapan at courtrooms.