Suspendido ngayong araw na ito ang passport services ng DFA o Department of Foreign Affairs sa Metro Manila, CALABARZON at Region 3.
Kasunod na rin ito ng sama ng panahon dulot ng bagyong ‘Maring’.
Subalit, ayon sa DFA, uubra pa ring mag-apply ng kanilang passports hanggang Oktubre 11 ang mga applicant na may confirmed appointments ngayong araw na ito kahit hindi na magtakda pa ng panibagong appointment.
Inabisuhan din ng DFA ang mga aplikante na magdala ng printed copy ng kanilang confirmed appointment kasama ang iba pang requirements para sa kanilang passport application.
Operasyon sa PSE at ilang sangay ng Landbank suspendido
Suspendido ang trading sa PSE o Philippine Stock Exchange ngayong araw na ito dahil sa bagyong ‘Maring’.
Samantala, ipinabatid naman ng Landbank of the Philippines na sarado ang ilan sa kanilang sangay dahil sa masamang panahon.
Kabilang sa suspendidong operasyon ng Landbank ay sa: G. Araneta avenue sa Quezon City; Pasig City Hall; Binangonan at Cainta sa Rizal; Sta. Rosa sa Laguna; Rosario sa Cavite at Cavite City.
Sinabi ng Landbank na tatanggap ng check deposits ang ilang sangay nila ngayong araw subalit bukas na ang clearing ng mga ito.
_____