Nabunyag sa hearing ng Senado ang di umano’y ‘VIP treatment’ na ibinibigay ng Immigration officials sa mga Chinese nationals na dumarating sa bansa.
Ipinakita ni Senador Risa Hontiveros sa hearing ng senate committee on women and children ang video kung saan mayroong hiwalay na kwarto para sa mga dumarating na Chinese nationals.
Sinabi ni Hontiveros na tila may guest list pa dahil sa screenshots ng Viber group ng Immigration officials kung saan nakalagay ang mahabang listahan ng pangalan ng Chinese nationals at ang kanilang flight details.
Batay anya sa kanilang informant, nagbabayad ng tig-P10,000 ang mga Chinese POGO workers na pumapasok sa bansa at P2,000 rito ang napupunta sa Immigration officials.
Sinabi ni Hontiveros na kung susumahin, sa halos 2,000 Chinese national na pumapasok sa bansa araw-araw, katumbas ito ng P4-milyon para sa Immigration officials araw-araw.
Noong una anya ay tinawag nila itong ‘pastillas’ dahil nirorolyo umano sa bond paper ang pera na parang pastillas pero ngayon ay tinatawag na nila itong ‘bonus’. —ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)