Idinetalye sa Senado kung paano nagsimula ang ‘pastillas’ scheme ng mga tiga Bureau of Immigration.
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Immigration Officer 1 Allison Chiong, nagsimula ang pagbibigay ng VIP services nuong tanggalin ang overtime pay ng Immigration officers nuong 2012.
Para anya maka-agapay sa nawalang overtime pay, ilang Immigration officers ang nagbibigay ng VIP services sa mga casino high rollers kapalit ng P2,000.
Nuong 2017, sinabi ni Chiong na napuna niya na halos umaabot sa 2,000 Chinese nationals na ang dumarating kada araw.
Sa pamamagitan anya ng Viber, natatanggap ng Immigration officers ang listahan ng mga Chinese national na dapat papasukin nang hindi na dumadaan sa Immigration process.
Gayunman, tinanggal anya ang Viber group na ito nang magsimula nang imbestigahan ng NBI ang airport operations ng Bureau of Immigration —ulat mula kay Cely Bueno (Patrol 19).
Lumawak pa ang ‘pastillas’ scheme operations ng mga opisyal ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa affidavit ni Immigration Officer I Allison Chiong, dumami ang tila sindikato sa loob ng Immigration na nagsusumite ng listahan ng Chinese nationals na darating sa bansa.
Katrabaho anya ng mga ito mga travel agencies sa China na pinagmulan ng mga pangalan ng mga Chinese nationals na papasok sa bansa.
Sinabi ni Chiong na kalimitan ay nagkukumpetensya ang ibat ibang grupo sa loob ng Immigration para sa kanila lumapit ang mga Chinese travel agencies.
Nang mawala anya ang Viber group, isang master list na lamang ang ipinadadala sa Immigration officers at isa isang dinadala ang mga Chinese nationals sa holding area ng Travel Control Enforcement Unit (TCEU).
Kapag kasama sa master list ang pangalan ng Chinese national, agad na itong papapasukin sa bansa nang hindi dumadaan sa screening o profilling.
Ang bawat Immigration officer anya na kasangkot ay nakakatanggap ng P20,000 kada linggo para sa Terminal 1 at P8,000 kada linggo sa Terminal 3 duties —ulat mula kay Cely Bueno (Patrol 19).