Dismayado si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa pasya ng bicameral conference committee na ibalik ang 150 million peso Confidential at Intelligence Funds (CIF) ng Department of Education.
Ayon kay Pimentel, nakadidismaya na mula sa napagkasunduan sa senado na itira na lang ay P30 million sa CIF ng DepEd subalit pagdating sa Bicam ay ibinalik ito sa P150 million.
Matatandaan sa ipinasang budget version ng mataas na kapulungan ng kongreso ay tinapyasan ng P120 million ang P150 million CIF ng kagawaran at inilipat sa Healthy Learning Institution Program ng ahensya na unang iminungkahi ni Senator Risa Hontiveros.
Batay naman sa paliwanag ni Appropriations Committee Chairman at Congressman Zaldy Co, napagkasunduan na ibalik ang buong budget ng CIF ng DepEd upang matigil na ang recruitement sa mga kabataan sa mga komunistang grupo.
Tinututulan ng oposisyon sa Senado ang nasabing pondo para sa DepEd dahil sa paniniwalang ang ‘intelligence gathering’ ay mandato at trabaho ng intel agencies. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)