Idinepensa ng Malacañang ang pasya ng pamahalaan na isailalim na sa general community quarantine (GCQ) o mas pinaluwag na klase ng lockdown ang Metro Manila.
Ito ay bagama’t malaking porsyento ng mga naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay mula sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pasya ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay nakabalanse sa karapatan ng mga mamamayan na magkaroon ng kabuhayan.
Iginiit ni Roque, kinakailangan nang muling buksan ang ekonomiya ng bansa lalo na’t hindi aniya kakayanin ng pamahalaan na bigyan ng tuloy-tuloy na ayuda ang mga mawawalan ng hanap-buhay sa mahabang panahon.
Alinsunod sa guidelines ng IATF, maaari nang pumasok sa trabaho ang 75% ng workforce ng bawat kumpanya habang hanggang 50% ng transportasyon ay maaari nang mag-operate.
Kahapon, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasailalim ng Metro Manila sa GCQ, kasabay ng pagkakatala ng mahigit 500 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa na siyang pinakamataas na tally sa isang araw.