Hindi pangungunahan ni Labor secretary Bienvenido Laguesma ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards sa pagpapasya sa panibagong hirit na wage increase sa susunod na taon.
Ito, ayon kay Laguesma, ay dahil siya ang tumatayong Chairman ng National Wages and Productivity Commission kung saan mapupunta ang anumang apela.
Sa kabila nito, nagsasagawa na anya ng pag-aaral ang iba’t ibang Regional Board at gumugulong na ang proseso sa pagdinig sa National Capital Regional.
Iginagalang naman ng Kalihim ang mandato ng lehislatura sa issue ng panukalang batas sa kamara na bubuwag sa mga wage board at magkaroon ng National Wages and Productivity Board at hayaan ang Kongreso na magtakda ng sweldo.
Gayunman, ipinunto ni Laguesma na ang umiiral na Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ang pinaka-mahusay o epektibong mekanismo.
May direkta anya kasing partisipasyon ang “involved” na sektor sa pangunguna ng mga manggagawa, namumuhunan at gobyerno na nagbabalanse.
Sa pananaw ng Department of Labor and Employment, kanilang mandato rin ang magpanukala ng batas, pag-usapan ang mga umiiral na mekanismo na ipatutupad at magbigay ng mga suhestyon sa Kongreso.