Nirerespeto ng Malakanyang ang pasiya ni dating PNP chief police general Oscar Albayalde na sumailalam sa non-duty status o maagang bumaba sa puwesto bago pa man ang nakatakda niyang pagreretiro sa November 8.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, maituturing na isang pribilehiyo ang non-duty status na boluntaryong magagamit ng mga pulis alinsunod sa patakaran ng National Police Commission o NAPOLCOM.
Kaugnay nito, itinanggi ni Panelo na may pressure kay Albayalde mula sa Palasyo kaya napilitan itong bumaba sa puwesto nang maaga.
Sinabi ni Panelo, posibleng napuno lamang ang dating PNP chief sa mga ibinatong akusasyon at patutsada laban sa kanya dahil sa umano’y pagkakaugnay sa mga ‘ninja cops’ lalo na’t naaapektuhan na ang pamilya nito.
Sa kabila naman nito, nagpaabot ng pasasalamat si Panelo kay Albayalde sa pagsisilbi nito sa administrasyon, sa bayan at sa publiko.