Ikinalugod ni Sen. Alan Peter Cayetano ang pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa PNP ang anti-drug operations at palakasin ito sa pamamagitan ng mga mahuhusay at tapat na police personnel.
Ayon kay Cayetano, ang laban sa iligal na droga ay dapat na maging laban din ng taumbayan o people’s war on drugs dahil nakasalalay dito ang kaligtasan at karapatan ng ating mga pamilya.
Hinimok din ng Senador ang mga professional at mga disenteng law enforcers na patuloy na maging mapagbantay para mapigilan ang mga police scalawags na maipagpatuloy ang kanilang mga iligal na gawain.
Maliban dito, nanawagan din si Cayetano sa iba’t ibang sektor na tumulong para mapagwagian ang giyera laban sa illegal drugs.
Kaugnay dito, suportado ni Senador Manny Pacquiao ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling pangunahan ng PNP ang laban ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Muli aniya kasing namayagpag ang bentahan ng iligal na droga makaraang suspindihin ang Oplan Tokhang at alisin sa PNP.
Sinabi pa ni Pacquiao na hindi dapat magpatumpik-tumpik sa pagsugpo ng iligal na droga sa bansa.
By: Jelbert Perdez / Cely Bueno / Avee Devierte