Kumonti na ang bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 na naa-admit sa mga ospital kasunod na rin ng patuloy na pagbaba ng mga kaso ng naturang sakit sa bansa.
Sa Pasay City General Hospital, anim sa tatlumput walong COVID-19 beds ang okupado, kung saan dalawa ang nasa intensive care unit.
Ayon kay Dr. John Victor De Gracia, Deputy Chief of Clinical Service ng PCGH, may mga araw na wala na silang COVID-19 patients.
Gayundin ang sitwasyon sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig, na may 11 pasyente at sa Quezon City Branch naman nito, siyam ang nasa COVID-19 ward at walang pasyente sa ICU.
Halos isang linggo namang walang COVID-19 patient sa Binakayan Hospital and Medical Center sa Kawit, Cavite.
Batay sa inilabas na COVID-19 bulletin ng Department of Health, nasa 29% ang ICU Utilization Rate sa NCR, at 31% sa buong bansa. —sa panulat ni Hya Ludivico