“Valid at reasonable exercise” ng police power ng estado ang paghihigpit ng pamahalaan sa mga hindi bakunado laban sa COVID-19 tulad ng pagpapatupad ng ‘No Vaccine, No Ride’ policy.
Ito ang iginiit ni senate minority leader Franklin Drilon sa gitna ng pag-amin ni Public Attorney’s Office (PAO) chief, Atty. Persida Rueda–Acosta na hindi pa siya bakunado at batikos nito sa ‘No Vaccine, No Ride’ Policy ng gobyerno.
Ayon kay Drilon, naaayon sa police power ng estado ang paghihigpit upang maprotektahan ang kalusugan, kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan.
Maaari anyang manghimasok ang gobyerno sa “personal liberty” ng mamamayan kung para sa kapakanan ng lahat, basta ito ay nasa katuwiran at hindi mapang-abuso.
Inihalimbawa ng senador sa US kung saan matagal nang sinabi ng korte na maaaring gamitin ang police power o kapangyarihan ng gobyerno sa pagtiyak na protektado ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Binigyang diin ng dating justice secretary na makatuwiran ang polisiya ng Department of Transportation (DOT) pero dapat patas ang pagpapatupad sa lahat gaya kayacosta na walang bakuna, kaya’t hindi dapat papasukin sa trabaho. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)