Sumampa na sa dalawampu (20) ang patay sa bakbakan ng militar at grupong Maute sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines o AFP Public Affairs Chief, Col. Edgard Arevalo, limang (5) sundalo at dalawang (2) police official na ang nalagas sa hanay ng gobyerno habang tatlumpu’t isa (31) ang nasugatan.
Labing-tatlo (13) naman ang namatay sa panig ng Maute pero dalawang (2) bangkay pa lamang ang narerekober ng militar.
Sa kabila nito wala pa anya silang bilang ng mga sibilyang namatay o nasugatan sa nagpapatuloy na bakbakan. Isang M16 rifle at mga bahagi ng improvised explosive device naman ang narekober sa teroristang grupo.
Samantala, dakong alas-9:00 ng umaga ng Huwebes nang muling umalingawngaw ang putukan sa Marawi City.
By Drew Nacino | With Report from Jonathan Andal