Kinuwestyon ni Senador Alan Peter Cayetano ang pagmamatigas ng University of the Philippines na huwag ibalik ang kanilang College Entrance Examination.
Sa Organizational Meeting ng Senate Committee on Science and Technology, aminado si Cayetano na nagtataka siya kung bakit hanggang ngayon ay hindi maibalik ang UPCAT gayung ang ibang Unibersidad ay nakagawa na ng sistema para sa Entrance Examination.
Nangangamba si Cayetano na dahil sa sistemang ipinatutupad ngayon ng UP ay napapakawalan ang ‘Best of the Best Students’, lalo ang mga nagmula sa Science Schools sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kabilang sa tinukoy ng Senador ang Philippine Science High School (PISAY) na noong ipinatutupad ang UPCAT ay kasama sa Top 12 Schools na mataas ang ranking sa examination na may average passing rate na 97% hanggang 99%.
Gayunman, nang mawala ang UPCAT, bumaba sa 60.55% ang passing rate ng applicants mula sa PISAY.
Nais naman tanungin ng mambabatas ang U.P. kung saan napupunta ang pondo para sa kanilang Entrance Examination.
Ipinaalala ng Senador na ang kalidad ng edukasyon ay hindi lamang naka-depende sa faculty ng Pamantasan kundi maging sa uri ng kanilang mga estudyante. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)