Nanindigan ang Malacañang sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na ipagpatuloy ang pagsusuot ng face masks sa kabila ng bagong polisiya sa lalawigan ng Cebu.
Una nang inilabas ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang executive order na nag-uutos na gawing opsiyonal ang pagsusuot ng Anti-COVID masks sa well-ventilated at open spaces na taliwas sa kautusan ng Pangulo.
Ayon kay Acting Presidential Spokesman Martin Andanar, malinaw ang direktiba ng Punong Ehekutibo na nakabatay sa siyensya.
Suportado rin anya ng ligal na opinyon ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang Inter-Agency Task Force Resolution sa mandatoryong pagsusuot ng face masks.
Inihayag din ng Palace official na iniatas na ng Department of the Interior and Local Government sa Philippine National Police na ipatupad ang umiiral na IATF resolution.