Kayang mapanatili ng Pilipinas ang patuloy na paglago ng ekonomiya nito sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang inihayag ni House Speaker Martin Romualdez kasunod ng desisyon ng Development and Budget Coordination Committee (DBCC) na i-adjust ang gross domestic product (GDP) growth target ng bansa ngayong 2024 sa 6% hanggang 7%.
Para kay House Speaker Romualdez, hindi mahihirapan ang bansa na makamit ang 6% na target ngayong taon, mula sa 5.6% GDP noong 2023.
Aniya, kumpiyansa siya rito dahil sa mga patakaran at hakbang sa ekonomiya na ipinapatupad ni Pangulong Marcos at ng Kongreso.
Sa katunayan, naniniwala rin ang House Speaker na kaya pa higitan ng Pilipinas ang economic growth target nito kung maisasakatuparan ang economic charter change.
Maaaring makapigil nga lang sa pag-unlad ng ekonomiya ang epekto ng El Niño, lalo na sa agrikultura at produksyon ng pagkain. Dahil dito, sinisikap ng administrasyon na maabutan ng tulong ang mga magsasaka.
Ayon kay House Speaker Romualdez, Pilipinas pa rin ang maituturing na fastest-growing economy sa Asia-Pacific region sa oras na lumago sa 6% ang GDP ngayong taon.
Panawagan naman ni Pangulong Marcos sa publiko, makiisa sa pamahalaan upang mapagtagumpayan ang mga hamon sa ekonomiya at maitatag ang isang magandang kinabukasan sa ilalim ng Bagong Pilipinas.