Patuloy ang pagbagal sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa Pilipinas.
Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), naipakitang bumaba ang inflation rate sa bansa ng 2.8% noong January 2024, kumpara sa 3.9% noong December 2023.
Ito ang naging pinakamababang inflation rate mula noong October 2020 sa 2.3%.
Ikinatuwa naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang balitang ito. Pangako niya, pananatilihin ng pamahalaan ang patuloy na paglago ng ekonomiya.
Iniugnay ni Pangulong Marcos ang pagbagal ng inflation sa pagbaba presyo ng mga pagkain noong nakaraang buwan sa 3.3%, partikular na sa mais (-4.3% mula -3.5%), oils and fats (-4.3% mula -3.6%), karne (-0.7% mula 0.2%), at asukal (-1.0% mula 0.1).
Nakatulong din sa pagbaba ng inflation rate ang proactive measures ng pamahalaan, kabilang na ang pagpapatupad ng National Adaptation Plan at muling pagbuhay sa Task Force El Niño na titiyak sa sapat na suplay ng tubig, pagkain, kuryente, pati na rin ang pagpapanatili sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Dagdag pa rito, matatandaang nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Executive Order No. 50 noong December 22, 2023. Pinapalawig ng kautusang ito ang pansamantalang pagbaba sa taripa o buwis ng imported na baboy, mais, at bigas hanggang sa katapusan ng 2024 upang matiyak na abot-kaya pa rin ang presyo ng pagkain sa kabila ng mga epekto ng El Niño at African Swine Fever.
Upang magtuloy-tuloy ang pagbagal ng inflation, siniguro ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na susubaybayan ng Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook (IAC-IMO) ang presyo ng mga bilihin.
Walang tigil din ang monitoring ng Department of Agriculture (DA) sa on-the-ground situation na gagabay sa pamahalaan sa produksyon ng pagkain.
Panawagan ni Pangulong Marcos sa publiko, makiisa sa pamahalaan upang mapagtagumpayan ang mga hamon sa ekonomiya at maitatag ang isang magandang kinabukasan sa ilalim ng Bagong Pilipinas.