Inabisuhan ng Metropolitan Manila Development Authority ang publiko na iwasan ang pagkukumpulan o pagsisiksikan sa dolomite beach sa Manila bay at sumunod sa minimum health standards upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, kahit pa ibinaba na sa alert level 3 ang quarantine status sa NCR, nananatiling banta ang COVID-19 at posibleng maging isang suprespreader event ang overcrowding sa kontrobersyal na beach.
Nagpadala naman na anya ang MMDA ng mga personnel sa dolomite beach upang tulungan ang Department of Environment and Natural Resources na panatilihin ang kaayusan sa lugar.
Umapela rin si Abalos sa mga namamasyal sa white sand beach na panatilihin ang disiplina at iwasan ang pagkakalat o pagtatapon ng basura.
Nitong weekend ay dinagsa ng mahigit 6K katao ang dolomite beach sa kabila ng COVID-19 pandemic.—sa panulat ni Drew Nacino