Hinimok na ng Philippine Medical Association (PMA) at Philippine College of Physicians (PCP) ang Inter-Agency Task Force na isailalim na ang Bicol region sa enhanced community quarantine (ECQ).
Ito’y ayon sa PMA at PCP, ay dahil sa nakaaalarmang pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon sa nakalipas na dalawang buwan partikular sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur at Sorsogon kabilang ang Legazpi, Naga at Sorsogon cities.
Namemeligro na rin anilang matulad sa India ang sitwasyon ng Bicol lalo’t tatlo lamang referral hospitals sa rehiyon.
Ito ay ang Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Legazpi City, Bicol Medical Center sa Naga City at Bicol Region General Hospital and Geriatric Medical Center sa Cabusao, Camarines Sur.
Nauubusan na rin ng hospital beds ang mga nabanggit na pagamutan na nag-o-operate na sa 100% utilization ng kanilang COVID-19 intensive care unit at isolation beds.
Lumobo na sa 14,671 ang tinamaan ng COVID-19 sa Bicol kabilang ang 279 fatalities. — Sa panulat ni Drew Nasino.