Ikinaalarma ng World Health Organization (WHO) ang patuloy na pagtaas sa naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa buong mundo lalo na sa mga mahihirap na bansa.
Batay sa datos ng WHO, nakapagtala sila ng 106,000 mga bagong kaso ng COVID-19 sa buong mundo sa loob lamang ng 24 oras.
Ito na ang pinakamataas na nai-record na kaso para lamang sa isang araw magmula nang magsimula ang outbreak ng virus.
Ayon kay WHO Director General Tedros Adhanom Ghebreyesus, malayo pa ang tatahakin ng lahat sa kasalukuyang nararanasang pandemiya dahil sa COVID-19.
Sinabi naman ni WHO Emergencies Program Head, Dr. Mike Ryan, nalalapit nang maabot ng buong mundo ang maituturing na tragic milestone ng pagkakaroon ng 5-M kaso.