Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy na makakatanggap ng tulong ang mga apektado ng baha at landslide na dulot ng low-pressure area (LPA) trough sa rehiyon ng Caraga.
Sa idinaos na situation briefing sa Agusan del Sur, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipagpatuloy ang pamamahagi ng relief goods.
Walang tigil din ang pamimigay ng tulong pinansyal at agricultural inputs ng Department of Agriculture (DA) upang matulungang makabangon muli ang mga apektadong magsasaka.
Bilang pag-iwas naman sa cholera outbreak, pinatutukan ng Pangulo sa Department of Health (DOH) ang pangangailangang medikal at pinatitiyak sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagkakaroon ng malinis na tubig para sa mga residente.
Samantala, binigyan ni Pangulong Marcos ng direktiba ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na gawing prayoridad ang pagsasaayos ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) building at mga nasirang kalsada sa Caraga.