Iimbestigahan na ng Land Transportation Office (LTO) ang ulat na may mga bulok na sasakyan ang patuloy na inirerehistro.
Ito, ayon kay LTO chief Teofilo Guadiz, ay upang maparusahan ang mga nasa likod ng pagrerehistro sa mga kakarag-karag nang sasakyan na hindi na ligtas gamitin sa mga kalsada.
Nag-ugat ito sa isang viral video sa social media na isang lumang truck at pinaniniwalaang delikadong pumasada ang sinasabing nakapagparehistro pa sa LTO ngayong taon.
Bukod pa ito sa ilang pampasaherong jeep na naglagay ng iligal na terminal sa bangketa at nagbubuga ng maitim na usok.
Tiniyak naman ni Guadiz sa publiko na mananagot at mapapatalsik sa gobyerno ang mga opisyal na sangkot sa registration ng mga kina-kalawang at inaagiw ng sasakyan.