Rumesbak ang kampo ni Vice President Jejomar Binay sa naging patutsada ni Pangulong Benigno Aquino III kahapon sa kaniyang talumpati sa Rome, Italy.
Isa-isang binanatan kasi ni Aquino ang mga makakalaban ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas sa Eleksyon 2016 kung saan kabilang nga rito si VP Binay na bagamat hindi partikukar na pinangalanan ay tungkol naman sa pagsamsam sa kaban ng bayan ang naging paksa ni Aquino.
Kaya naman sinabi ni Atty. Rico Quicho, tagapagsalita ng Binay na tila nalilimutan ng Pangulo ang naging statement nito noong nakaraang taon kung saan sinabi aniya nito na nananatiling inosente ang bise presidente hangga’t hindi napatutunayan.
Ani Quicho, ang nasabing patutsada ni Aquino ay isang demolition work laban sa Bise Presidente.
Sa kabila nito, sinabi ni Quicho na walang makapipigil sa kanila na makipag-usap sa publiko at ihayag ang aniya’y mga programa ni Binay para maresolba ang kahirapan, kagutuman at unemployment.
Sinabi rin ni Quicho na inokupahan kasi ni Aquino ang iba’t ibang posisyon sa gabinete sa loob ng 5 taon kaya naman dahil sa kaniyang kawalang kakayahan ay lumala aniya ang sitwasyon ng bansa.
Gaya na lamang ng problema sa MRT, trapiko at peoblema sa lisensya at plaka ng mga sasakyan na sobrang tagal iproseso.
Sa panunungkulan din aniya ng Pangulo ay mas naging talamak ang kriminalidad, hindi maresolba ang pagpatay sa mga hukom at mamamahayag, gayundin ang pagkalat ng droga sa bawat barangay.
Ang mga ganitong isyu aniya ang dapat na tugunan ng pambato ng administrasyon at hindi raw ang pagiging manhid nito sa pangangailangan ng tao.
By Allan Francisco