Sinagot ng mga senador ang patutsada ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-oorder sila ng bakuna sa Pfizer sabay banggit ang mahigit 20 senior citizen na namatay matapos maturukan ng bakuna mula sa nasabing kumpanya.
Sinabi ni Sen. Panfilo Ping Lacson, tila ang Malakaniyang ang may pinapaborang brand ng bakuna at hindi ang mga senador.
Giit ni Lacson wala siyang narinig sa mga kasamahan niyang senador na nagbanggit ng partikular na brand ng bakuna para gamitin sa bansa.
Sinang-ayunan naman ni Sen. Koko Pimentel si Lacson sa aniya’y pantay-pantay na standards sa pagbusisi sa mga bakuna.
Dagdag nito, dapat lang na maging maingat ang gobyerno sa pagbili ng bakuna.
“No thanks but no thanks” naman ang sagot ni Senate President Vicente Tito Sotto III sa naging patutsada ng Pangulo.
Sinabi ni Sotto na hindi naman pinapaboran ng senado ang bakuna mula sa Pfizer o alinmang COVID-19 vaccine.
Posible aniyang nabigyan lamang ng maling impormasyon ang Pangulo kaya’t ganito ang naging reaksyon.