Nanindigan si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta na humingi siya ng permiso kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban muna ang pagpapabakuna kontra COVID-19.
Aminado si Acosta na noong Mayo ng isang taon pa pumayag si Pangulong Duterte.
Tugon ito sa pahayag ng punong ehekutibo na kung talagang ayaw ng PAO Chief na magpabakuna ay huwag na nitong idamay ang mga bata na nagpapaturok ng anti-COVID-19 vaccine.
Naniniwala naman si Acosta na hindi siya kinastigo ni Pangulong Duterte dahil binabasa lamang nito ang rekomendasyon ng dalawang miyembro ng gabinete.
Una nang naghain ng petisyon sa Quezon City Regional Trial Court ang ilang magulang ng mga batang edad lima hanggang labing-isa na kinakatawan ng PAO bilang pagkontra sa pagbabakuna sa nasabing age group.