Pinagkalooban ng puwesto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si movie director Paul Soriano.
Ayon kay Office of the Press Secretary (OPS) Officer-in-Charge Usec. Cheloy Garafil, maglilingkod si Soriano sa Office of the President (OP) bilang Presidential Adviser on Creative Communications.
Si Soriano ay mister ng aktres na si Toni Gonzaga.
Nakatakda namang manumpa si Soriano sa harap ng Presidente ngayong araw.
Nakilala si Soriano dahil sa mga idinirehe nitong pelikula tulad ng A Journey Home (2009), Thelma (2011), Kid Kulafu (2015), at Dukot (2016).
Nasungkit naman niya ang Best Director at Best Screenplay sa 2012 FAP Awards para sa pelikulang “Thelma.”
Noong taon ding iyon, naisukbit naman ng “Thelma” ang Digital Movie of the Year, gayundin ang Digital Movie Director of the Year at Digital Movie Original Screenplay of the Year kasama si Froilan Medina, sa 28th PMPC Star Awards for Movies.