Isang ‘welcome development’ ang pagsisimula ng preliminary examination ng International Criminal Court o ICC sa extra judicial killings (EJK’s) sa Pilipinas.
Pananaw ito ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano na tinawag ding positibong hakbang ang naturang desisyon ng ICC.
Nagpasalamat si Alejano sa ICC sa pakikinig sa kanilang reklamo kahit na inabot ng isang taon bago nasimulan ang pagsisiyasat.
Ipinabatid pa ni Alejano na kumakalap na ang ICC ng available information sa mga nagaganap na madugong kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.
Una dito, ipinabatid ng Malakanyang na ‘welcome’ ang isasagawang paunang review ng ICC sa war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang inireklamo nina Senador Antonio Trillanes IV at Atty. Jude Sabio ang Pangulo sa ICC noong Abril 2017 dahil sa mga paglabag sa karapatang pantao ng kampanya nito kontra iligal na droga.
Sen. Bam Aquino: Walang dahilan para matakot ang administrasyon
Mas mabuting maging bukas sa preliminary examination ng ICC ang Malakanyang sa umano’y crimes against humanity laban sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ayon kay Senador Bam Aquino ay dahil ang hakbang ng ICC ay pagkakataon para makapagbigay ang administrasyong Duterte sa harap ng ICC ang reklamo kaugnay nang sinasabing extra judicial killings sa ilalim ng giyera kontra iligal na droga.
Sinabi ni Aquino na walang dahilan para matakot ang administrasyon kung wala naman itong itinatago.
Una nang inihayag ni Senador Francis Pangilinan na hindi na nakakagulat ang pasya ng ICC dahil libo-libo na ang napatay sa war on drugs ng administrasyon sa nakalipas na halos dalawang taon.