Muling binigyang diin ni Sergio Ortiz-Luis Jr., presidente ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) na makatutulong din sa pamahalaan ang pagpayag nito sa mga pribadong kumpanya na makabili ng sariling COVID-19 vaccines para sa kanilang mga empleyado.
Ayon kay Luis, ito’y dahil sa pagbili ng mga pribadong sektor, hindi na gagastos pa ang pamahalaan para mabakunahan ang mga manggagawang ito.
Dagdag pa ni Luis, sa ngayon, ayon sa mga pribadong kumpanya, itinuturing nilang mga economic frontliners ang kanilang mga tauhan kaya’t nararapat lang anila na mabigyan din ito ng bakuna.
Giit pa ni Luis, wala namang malalabag na batas kung papayagan ang mga pribadong kumpanya na direktang makabili ng mga bakuna, dahil ito naman ay libreng ibibigay sa kanilang mga empleyado.
Nauna rito, nanawagan ang Philippine Chamber of Commerce and Industry sa pamahalaan na payagan ang pribadong sektor na mag-import at bumili ng bakuna direkta sa mga sources nito nang walang restriksyon at kondisyon.