Hindi nagustuhan ng grupong Gabriela ang payo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kababaihan na lumayo sa mga pari.
Sa inilabas na pahayag ng grupo, kinuwestiyon ng mga ito kung bakit kanilang susundin ang payo ng pangulo gayong ang punong ehekutibo ang huling taong makapagbibigay anila ng disenteng payo para maproteksyunan ang mga kababaihan laban sa pang-aabuso.
Posible rin anilang magdulot pa ng kumplikasyon sa pagitan ng Simbahang Katolika at mga kababaihan ang naging pahayag ng pangulo.
Kasabay nito, binigyang diin ng grupo na hindi sila titigil na ipagtanggol ang karapatan ng mga kababaihan at papanagutin ang mga taong yumuyurak dito.
Magugunitang sa talumpati ng pangulo sa Sagay, Negros Occidental, sinabi nito na umiwas ang mga kababaihan na makasama ang mga pari.