Nagpahayag ng suporta ang Philippine Basketball Association sa Gilas Pilipinas kasunod ng ipinataw na suspensyon sa mga manlalaro nito at dalawang coach.
Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, handa silang magpahiram ng mga manlalaro sa national team.
Dagdag pa ni Marcial, mayroong mga players ang Gilas mula sa 12-miyembro ng liga na maaaring maglaro sa mga susunod na laban tulad ng World Cup Asian Qualifiers at maging sa Asian Games sa Agosto.
Gayunman, nilinaw ni Marcial na desisyon pa rin ito ng mga players kung nais nilang maging kahalili ng mga nasuspindeng manlalaro ng Gilas Pilipinas.
Coach Chot Reyes
Samantala, ginagalang naman ni Gilas Pilipinas Head Coach Chot Reyes ang parusang ipinataw sa kaniya at ng kaniyang mga manlalaro ng FIBA.
Batay sa social media post ni Reyes, sinabi nito na kaniyang nirerespeto ang desisyon ng FIBA kasabay ng paghingi ng tawad sa kanilang kinasangkutang gulo.
Gayunman, nanindigan ang Coach na kailanman ay hindi siya sa mag-uudyok sa kaniyang mga manlalaro na magsimula ng away.
—-