Isang pulong ang idinaos sa pagitan nina President-Elect Bongbong Marcos at ilang incoming at incumbent na miyembro ng Kongreso.
Ito’y upang talakayin ang mga legislative agenda ni Marcos at detalye ng kanyang unang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo.
Kumatawan para sa senado sina Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Nancy Binay, Ronald Dela Rosa, Lito Lapid, Ramon Revilla Junior;
Incoming Senators JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Loren Legarda at Raffy Tulfo habang binubuo ang house contingent nina House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Isabela Rep. Tonypet Albano.
Binigyang-diin ni Marcos na gaya ng mga obserbasyon ay naniniwala silang magkakaroon ng maayos na relasyon ang executive at legislative branches lalo’t “well represented” ang Luzon, Visayas at Mindanao.
Pinayuhan naman ng susunod na pangulo sina Incoming Speaker Romualdez at Zubiri na mag-usap at talakayin ang mga posibleng legislative agenda para sa SONA lalo’t si Zubiri ang isa sa pinaka-matunog na contender sa pagiging Senate President.
Gayunman, hindi inungkat ni Zubiri ang posibilidad ng term-sharing sa senate presidency sa kanyang pakikipag-pulong kay Marcos.