SINIGURO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi lang magiging panibagong polisiya ang Republic Act (RA) No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Ayon kay PBBM, magiging proactive ito sa pagpigil sa pagpasok ng mga puslit na produktong agrikultural upang matiyak na nababayaran ang tamang buwis at mapapatawan ng mabigat na parusa ang mga lumalabag dito.
Ibinabala ng Pangulo na hindi lang puntirya dito ang mga mastermind kundi lahat ng kasabwat, kabilang ang mga financier, broker, mga empleyado at maging ang mga nagbibiyahe ng mga iligal na produkto.
Samantala, ikinalugod naman ng sektor ng agrikultura ang ginawang paglagda ni Pangulong Marcos sa nasabing batas.
Sa panayam ng DWIZ Patrol, sinabi ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist Rep. Nick Briones na sa ilalim ng RA 12022 ay bubuo ng national council at enforcement group na siyang magtutulong-tulong sa pagbuwag sa mga operasyon ng smuggling at tutugis sa mga sangkot dito.
Binanggit ni Briones na magkakaroon ng special team of prosecutors sa buong bansa para sa mabilis na resolusyon ng mga kasong may kaugnayan sa agricultural sabotage.
Para sa kinatawan ng AGAP, ang pagpirma ng Presidente sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ay maituturing na panibagong pag-asa at maagang pamasko para sa mga Pilipino.
Inamin naman ng kongresista na may nakikita siyang mga butas sa bagong batas tulad na lamang ng P10 million threshold kung saan ang mga puslit na produkto na mas mababa rito ang halaga sa kabuuan ay hindi ituturing na economic sabotage.
Posible rin aniyang kuwestiyunin ang pagiging independent ng enforcement group lalo pa’t kasama sa mga miyembro nito ang Department of Finance (DOF).
Gayunman, kumpiyansa si Briones na maipatutupad nang maayos ang batas dahil isa sa mga kasapi ng council si Pangulong Marcos at seryoso ito sa kampanya laban sa smuggling.