Pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang commitment ng Pilipinas na panatilihin ang kapayapaan at sumunod sa rules-based order sa gitna ng tensyon sa Asya, partikular na sa South China Sea.
Sa isang panayam kasama ang Japanese media nitong December 16, 2023, iginiit ng Pangulo na kinakailangang magkaroon ng mga bagong solusyon upang malutas ang isyu sa teritoryo.
Ayon kay Pangulong Marcos, palala nang palala ang tensyon sa South China Sea sa mga nakalipas na buwan. Dahil dito, ginagawa na ng administrasyon ang lahat upang makahanap ng solusyon sa naturang isyu.
Patuloy na isinusulong ng Pilipinas ang kapayapaan at pakikipag-ugnayan sa ibang bansa. Idiniin din ng Pangulo na patuloy sila sa pagbuo ng malalakas na alyansa kasama ang like-minded allies.
Sa kabila ng tumataas na maritime tensions, siniguro naman ni Pangulong Marcos na hindi kailanman sisimulan ng Pilipinas ang anumang conflict. Para sa kanya, trahedya ang tunggalian sa pagitan ng Russia at Ukraine. Aniya, walang bansa, lalo na sa Asya, ang nais na magsimula ng giyera.
Samantala, binanggit naman ng Pangulo na hangad niyang itaas ang kolaborasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan na tinawag niyang “very good example of evolution.”
Matatandaang Pilipinas ang kauna-unahang recipient ng Official Security Assistance (OSA) kung saan magbibigay ang Japan sa bansa ng security grant na nagkakahalagang 600 million Japanese yen o tinayatang P235.5 million. Gagamitin ito upang makakuha ng coastal radars ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na higit na magpapahusay sa military capacity at defense ng bansa.
“Most complex geopolitical challenge that the world faces” kung ilarawan ni Pangulong Marcos ang sitwasyon sa South China Sea, kaya naman magandang adhikain ang panatilihin ang kapayapaan nang hindi sinusuko ang karapatan ng bansa sa sarili nitong teritoryo—ang West Philippine Sea.