Dumating na sa Estados Unidos si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa kanyang anim na araw na working visit.
Alas-11:53 kagabi, oras sa Pilipinas, nang dumating si Pangulong Marcos kasama ang Philippine delegation sa Newark Liberty International Airport sa New Jersey.
Ito ang kanyang kauna-unahang biyahe sa Amerika bilang Pangulo ng Pilipinas.
Sinalubong naman sina PBBM ni Philippine Ambassador to US. Jose Manuel Romualdez at Philippine Permanent Representative to United Nations Antonio Manuel Lagdameo.
Bilang bahagi ng kanyang unang aktibidad, nakipagkita ang Punong Ehekutibo sa Filipino community sa New jersey Performing Arts Center kung saan nasa 1,200 Pinoy ang dumalo.
Nakatakda ring magtalumpati si PBBM sa 77th UN General assembly sa New York, bukas.
Makikipag-usap din si Presidente Marcos sa ilang world leaders at US businessmen bukod pa sa mga dadaluhang economic briefings.
Si PBBM ang ikalawang magsasalita sa afternoon session ng UN High-level general debate.
Si Marcos ang magiging kauna-unahang Southeast asian leader na magsasalita sa general debate at unang Filipino leader na haharap nang personal sa podium simula noong 2014.