Tila nang-aasar pa nga ang hoarders at smugglers na ituloy ang ilegal nilang gawain sa kabila ng mahigpit na utos ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na hulihin ang mga nananabotahe ng ekonomiya. Hindi ito pinalagpas ng netizens at umani ang isyung ito ng sari-saring reaksyon.
Paano nga ba mapipigilan ni Pangulong Marcos Jr. ang smuggling at hoarding ng agricultural products sa bansa?
Tara, suriin natin yan.
September 19, 2023 ipinamahagi ng Pangulo ang mga nasabat na smuggled rice sa Tungawan, Zamboanga Sibugay. Lubos na hinangaan ito ng mga netizen kaya naman naging viral at usap-usapan ito sa social media.
Kahit ang grupong Bantay Bigas, hinangaan ang aksyong ito ni Pangulong Marcos Jr. dahil mas pabor ang pamimigay ng smuggled agricultural products sa mga mahihirap na pamilya kaysa sa pagbebenta nito.
Bukod sa napakalaking tulong nito sa mga nangangailangan, alam mo bang malaki rin ang magiging epekto ng aksyong ito sa ekonomiya?
Ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, kung ibenta pa rin ang smuggled agricultural products, gaya ng pagbenta noon ng smuggled sugar sa Kadiwa stores, ipagpapatuloy pa rin ang smuggling dahil, in a way, naibebenta pa rin ang mga naipuslit nilang produkto.
Sabi naman ni Bulacan 6th District Representative Salvador Pleyto na miyembro rin ng House Agriculture and Food Committee, best deterrent o pang-discourage sa smugglers ang desisyon ni Pangulong Marcos Jr. na ipamigay na lang ang mga nakumpiskang bigas. Nagpapahiwatig ito ng strong signal na walang lugar sa ekonomiya ang smuggling.
For reference, tinatayang aabot sa 200-billion pesos revenue ang nawawala sa gobyerno dahil sa smuggling batay sa monitoring ng Samahang Industriya Ng Agrikultura o SINAG.
Kaya kung ituloy pa rin ang smuggling at hoarding, mas maganda kung ipamigay na lang ito ng gobyerno sa mga mahihirap, gaya ng ginawa ni Pangulong Marcos Jr. magiging walang silbi ang ilegal nilang gawain dahil sa aksyon na ito.
Hindi na dapat maging makulit pa ang smugglers at hoarders dahil pinaspasan na rin ni Pangulong Marcos Jr. ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act o Senate Bill No. 2432 noong September 21, 2023.
Nakasaad sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na ang mga mapatutunayang dawit sa smuggling, hoarding, profiteering, at pagka-cartel ng agricultural at fishery products ay papatawan ng lifetime imprisonment at pagmumultahin ng triple sa halaga ng mga sangkot na produkto. Walang piyansa ang kasong ito.
Wala ring lusot ang opisyal o empleyado ng pamahalaan dahil ang mapatutunayang sangkot sa economic sabotage ay papatawan ng perpetual disqualification o hindi na papayagang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno, bumoto, tumakbo sa halalan, at mabigyan ng financial benefits mula sa gobyerno.
Malaki ang negatibong epekto ng smuggling sa agricultural sector ng bansa kaya kahanga-hanga ang naging recent actions ni Pangulong Marcos Jr. para labanan ang mga sangkot sa ilegal na gawaing ito. Kaya sa smugglers at hoarders diyan, huwag niyo nang hamunin pa ang Pangulo kung ayaw niyong magamitan ng kamay na bakal.
Para sayo, paano pa mapipigilan ng gobyerno ang makukulit na hoarders at smugglers sa bansa?