Kamakailan lang, inanunsyo ng Department of Agriculture na pabata nang pabata na ang edad ng mga Pilipinong magsasaka na agad namang ikinatuwa ng netizens.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, 57 years old ang previous average age noon ng mga magsasaka. Bumaba na ito ngayon sa 49 to 50 years old base sa registry system.
Matatandaang aktibong hinihikayat ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang mga kabataan na tumulong na pataasin ang pagiging produktibo ng sektor ng agrikultura. Sa katunayan, kamakailan lang inilunsad ng Department of Agriculture ang 2023 Young Farmers Challenge (YFC) program na in line sa food security agenda ni Pangulong Marcos Jr.
Inilunsad ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Service ang ikatlong Young Farmers Challenge program, katulong ang Government Service Insurance System o GSIS at ang tanggapan ni Senator Imee Marcos noong September 28, 2023.
Nag-aalok ang YFC program ng financial grant assistance para sa mga kabataang Pilipino na nais sumali sa bagong agri-fishery enterprises. Ang tulong pinansyal na ito ay magsisilbing initial capital para sa kanilang business endeavors. Bukod sa financial assistance, nagbibigay rin ang nasabing programa ng Business Development Services gaya ng coaching and mentoring, local and international product expositions, at assistance sa business registration para sa mga kabataan.
Mayroong two new components ang 2023 Young Farmers Challenge program: ang YFC Upscale at YFC Intercollegiate Competition.
Sa YFC Upscale, mayroong head-to-head business pitch competition kung saan ang bawat regional winner ay mabibigyan ng 300,000 pesos at ang national winner naman ay 500,000 pesos.
Sa Business Model Canvas-based Competition naman nakatuon ang YFC Intercollegiate Competition. Hinihikayat ang mga estudyanteng nag-aaral ng agriculture and related subjects mula sa State Universities and Colleges na sumali sa kompetisyong ito kung saan matutulungan silang gawing profitable ang kanilang mga idea. Magsisilbi rin itong training para ma-improve ang kanilang skills at knowledge bilang future agripreneurs at professional farmer business owners. Ang bawat winning SUC enterprise per region ay makakatanggap ng 150,000 pesos bilang start-up capital.
Sa kasalukuyan, nakapagbigay na ang YFC program ng 149.25 million pesos start capital funds para sa 2,955 young farmers.
Matatandaang noong presidential campaign pa lamang, hinihikayat na ni Pangulong Marcos Jr. ang mga kabataan na mag-aral ng agrikultura. Ngayong nakaupo na siya, makikitang gumagawa ng aksyon ang ahensyang pinamumunuan niya na patuloy akitin ang bagong henerasyon na makilahok at paunlarin ang sektor ng agrikultura para matiyak ang food supply ng bansa.